Solar Mobile Computer Truck, Umarangkada na sa Carosucan Sur National High School
Sa panahon ngayon, kasama ang gadget at internet sa pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral upang sila ay maging computer literate at makasabay sa bilis ng pagbabago ng teknolohiya.
Sa lumabas na report ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na ang mga estudyante ay wala o kulang ang ginagamit na computers para makasabay sa information technology.
Kahanay ng Pilipinas sa kakulangan ng computers ay ang mga estudyante mula sa Cambodia, Lao People’s Democratic Republic, Myanmar at Indonesia.
Ayon sa UNESCO ang mga estudyanteng naka-enroll sa mga pribadong eskuwelahan ay mataas ang digital skills kaysa sa mga naka-enrol sa pampublikong eskuwelahan.
Problema ito na patuloy na kinakaharap din ni Jeo Millano, Teacher III ng Caroucan Sur National High School na pitong taon ng guro ng computer class at may kasalukuyang walumpong (80) estudyante ang tinuturuan.
“Karamihan kasi parang takot sila sa computer which is parang hindi naman dapat katakutan. So parang nakikita ko na bakit ganun?! Na parang kunti lang yung knowledge nila pagdating sa computer. So yun po yung dapat parang tutukan sa kanila na kahit basic lang na mga skills eh hindi pa nila alam.” kwento ni Millano.
Bagama’t may tatlumpung (30) computer na bigay ng Department of Education (DepED) ay kulang na kulang pa rin ito.
Kaya naman laking tuwa ni Teacher Millano na ang unang makakagamit ng Solar Mobile Computer Truck ay ang mga estudyante ng Caroucan Sur National High School.
“Napakalaki yung ambag ng ganitong mga programa lalong lalo na dito sa mga barangay high school na kunti lang talaga yung mga basic knowledge nila pagdating sa computer. Maraming maraming salamat sa ating Municipal Mayor sa kanyang initiative nagkaroon tayo ng maganda na programa at napaka-beneficial yung kanyang gamit ng ating mobile truck.” dagdag ni Millan
Ang mobile truck ay may labing apat (14) na computer set na libreng magagamit ng mga estudyante kabilang na rin ang free wifi at may aircon rin.
Layon ni Asingan Mayor Carlos Lopez Jr. katuwang si Vice Mayor Heidee Chua at mga Sangguniang Bayan Member na mas mapaigting pa ang kaalaman ng mga kabataan ng Asingan sa computer literacy
“Actually yan isa sa mga adhikain natin na kung saan mabibigyan natin ng pagkakataon yung mga kabataan natin, mga mag aaral, mga out of school youth, yung mga parents, ofws, lahat po ng sector na gusto pong matuto ng computer yan po ang pinaka-misyon po ng mga computer po na yan na bigyan sila ng kunting kaalaman sa computer.” pahayag ng alkalde.