Humarap sa unang sesyon ng Sangguniang Bayan ngayong 2025 si Rowel Baritua, Branch Manager ng PrimeWater upang magpaliwanag hinggil sa problema ng kawalan ng supply ng tubig sa bayan ng Asingan.
Kinuwestyon ng mga konsehal ang mga dahilan ng pagkawala ng suplay ng tubig at solusyon na pinatutupad ng PrimeWater simula noon 2022.
Ayon pa nga kay Councilor Ira Chua simula ng dumating ang PrimeWater ay hindi na sila nakapagbigay ng solusyon at sa halip ay sila pa ang naging problema ng mamamayan ng Asingan.
“As promise by the joint venture magkakaroon na ng mga improvements yung hindi na nagagawa ng Asingan Water District. Yun ang promise ng PrimeWater, but ilang taon na sir? lagi na lang ganyan ba? Ang ganda talaga ng promise niyo even our sewerage system na yun ang next niyo [gagawin]. How can we support PrimeWater kung ngayon palang wala na.” pahayag ni Councilor Ira Chua.
Paliwanag naman ni Baritua na kailangan na ng rehabilitasyon sa pipe network ng PrimeWater upang masiguro ang sapat na suplay ng tubig sa Asingan.
“What we need po is yung buong network na rehabilitations po talaga. Kahit naman po may Automatic Voltage Regulator (AVR) tayo, mag tuloy-tuloy man yung sa kuryente na maganda yung suplay niya pero yung network naman niya hindi maayos makaka-experience pa rin po ng low pressure.” paliwanag ni Baritua.
Hindi naman naniniwala na ang mga konsehal patungkol dito bagkus ang PrimeWater daw ay nagiging business oriented na umano at hindi na public service ang adhikain.
Dagdag pa ni Vice Mayor Heidee Chua dapat ng manindigan ang PrimeWater at solusyunan ang problema sa suplay ng tubig sa bayan g Asingan ng sa ganun ay hindi laging namomoblema ang mga customer ng nasabing water services provider.
Pagkatapos ng mahabang diyalogong naganap ay nasa Central Management ng PrimeWater ang pagpapasya upang lalong mapaganda ng serbisyo ng tubig sa bayan ng Asingan.
Samantala sa House Resolution No. 22 ng Kamara, ay mayroon daw halos 40 mambabatas ang nagsusulong na imbestigahan na ang water service provider dahil sa problema sa tubig ng kanilang nasasakupan, ayon kay Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun.