GURO, NAGTITINDA NG MGA HALAMAN PANGTUSTOS SA PANGANGAILAN NG MGA ESTUDYANTE NIYA
Nangibabaw ang pag-aalala ng isang guro sa kaniyang mga estudyante ngayong panahon ng pandemya kung saan karamihan ay hirap sa pinansyal.
Si Teacher Cecilia Cabanting, teacher 3 ng Carosucan East Elementary School ay mas piniling punan ang pangangailangan ng kaniyang mga estudyante sa pamamagitan ng pagbebenta ng kaniyang mga halaman.
“Di ba uso po kasi ang halaman matagal na po kasi akong mahilig maghalaman tapos nakikita ko po online yung mga nagbebenta ng mga halaman kaya pumasok sa isip ko na may kayamanan sa halaman” ayon kay Teacher Cabanting ng Carosucan Norte.
Ang presyo ng kanyang mga bentang halaman ay P10 hanggang P150. Ang kita sa pagbebenta ay ipinambibili ng schools’ supplies.
Sa ngayon ay mayroong tinutustusan ang guro na limang estudyante na hirap sa buhay.
“Itong mga batang kapos po, wala silang magamit na ballpen, notebook, eraser, lapis, so doon pumasok na kunin silang beneficiaries. Naawa ako kasi sa mga batang kapos, walang tsinelas na pumapasok, walang baon.” saad ng guro.
“Gawin itong hindi lang para sa pangpersonal na bagay, kundi para sa mga bata lalo na ngayong new normal, para maishare din natin yung blessing.” dagdag nito.
Bagamat parte ng income generating project ng Department of Education ang ginagawa ng guro ay ayon kay Marlon Fulgencio, Head Teacher ng Carosucan East Elementary School, galing mula sa sariling bulsa ng guro ang ginagamit nito sa naturang proyekto na nakakatulong sa pangangailangan ng mga piling estudyante.
Ang mga kapwa guro sa Carosucan East Elementary School ay tumutulong din sa mga estudyante sa pamamagitan naman ng pagbebenta ng peanut butter, pagbebenta ng pato, mga gamit na gawa sa recycable material, pagkaing kakanen at yema.
Romel Aguilar / JC Aying