Pagbebenta ng mga Sub Lots na wala pang land conversion, mainit na tinalakay sa sangguniang Bayan ng Asingan
Nababahala ngayon ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan dahil na rin sa patuloy na malawakang pagbebenta ng mga sub lots sa bayan ng Asingan sa pamamagitan ng social media.
Kaya naman ipinatawag sumagot sa “Question Hour” ng Regular Session ng kahapon Lunes ng umaga ang mga tauhan ng Engineering Office, Office of the Municipal Assessor, Municipal Planning and Development Office (MPDO) at maging ang Bureau of Fire Protection.
“Regarding po sa mga nababalitaan po natin mga nagsusubdivide ng property, alam naman po namin yun na may mga grupo na talagang pumapasok po dito sa Asingan na kinoconvince nila yung farm owner na gawing subdivision lot. Hindi po namin ma-control yung mga pumasok na mga tao na mga group of people na nagco-convice sa mga land owner natin dito sa Asingan. Yun po yung gawan natin sana ng aksyon kung sino yung mga taong pumapasok na nagcoconvince ng mga land owner especially particularly sa mga agriculture lot na hindi talaga nacoconvert dito.” pahayag ni Engineer Raquel Gonatice.
Ayon kay Councilor Melchor Cardinez Sr. ay hindi umano ito isinangguni sa Sangguniang Bayan upang ipa-reclassify ang gamit ng lupa mula agricultural to residential.
“Yung section 20 under local government code na ang nakalagay doon na dapat ireclasify muna yung lote before land conversion. Kasi ang trabaho ng Sangguniang Bayan ireclasify yun, resolution reclasifing yung certain lot for endorsement sa land conversion. Kung binabalewala na natin yung law na ito eh di i-amend na natin para wala na. Para wala na kaming trabaho sa Sangguniang Bayan.” saad ng Konsehal.
Nanawagan naman si Councilor Marivic Robeniol ng pagkakaisa ng mga opisina upang mas mapabilis na masulosyang ang problemang ito.
“Ito naman po yung hinihiling namin kasi parang ang nangyayari po ngayon nagsisisihan po tayo nagbabatuhan kung sino pong opisina ang kailangang humarap at managot. Sana meron tayong konkreto na sistema na talagang titingin na proprotekta rin po sa kalupaan ng bayan ng Asingan.”
Sa panghuli ay nakiusap na lamang si Asingan Vice Mayor Heidee Chua sa Municipal Assessor Office tignan i-double check ang mga papeles bago ito maapprove.
“Sana pagnakita niyo na sa Tax Declaration na agricultural na, sana meron na rin kayong question. O bakit agricultural ito bakit tatayuan nito? Meron na bang conversion? Sana ganun din para atleast on your part, due diligence din kayo na ginawa. Kasi mamaya punong puno na tayo ng subdivision, puro approve kayo ng approve doon sa baba tapos ang sisi sa Sangguniang Bayan. Bakit walang regulation? yun lang naman magtulungan sana tayo.” saad ng Bise Alkalde.