Nagpaalala ang COMELEC Asingan na magtatapos na ang voter registration para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa May 18, 2026.
Ayon kay Election Officer III Leny Manangan-Masaoy, ang opisina ay bukas mula Martes hanggang Sabado, mula 8:00 AM hanggang 5:00 PM para sa mga nagnanais magparehistro.
“Sa ating mga kababayan na hindi pa nakapagparehistro, mayroon na lamang kayong ilang araw upang magparehistro. Hindi na kami magsasagawa ng offsite registration, kaya’t maaari kayong magtungo sa aming opisina,” ani Manangan-Masaoy.
Sa pinakahuling datos mula sa COMELEC Asingan, umabot na sa 42,048 ang bilang ng rehistradong botante, kabilang ang 15,518 na Sangguniang Kabataan (SK) voters.
“Kung matutuloy ang eleksyon sa Nobyembre 2, 2026, ang mga kandidato sa SK ay kinakailangang magpakita ng birth certificate upang matiyak ang kanilang edad. Ang mga kwalipikadong kandidato ay may edad 18 hanggang 24 taong gulang sa mismong araw ng eleksyon,” dagdag ni Manangan-Masaoy.
“Hinihikayat namin ang lahat ng hindi pa nakapagparehistro na samantalahin ang natitirang araw ng pagpaparehistro. Tumungo na sa COMELEC Asingan at huwag palampasin ang pagkakataon,” panghuling mensahe ni Manangan-Masaoy.








