Isinagawa ngayong araw ang unang Community-Based Technical and Vocational Education and Training o CBTVET Orientation Program sa pagitan ng TESDA Asingan at LGU Asingan para sa libreng Shielded Metal Arc Welding NC I o SMAW NC I training.
Nilahukan ito ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na nais magkaroon ng dagdag na kasanayan sa welding at mas malaking oportunidad sa trabaho.
Ayon kay Jerome Lapeña, Registrar III at Job Placement Officer, bukas sa lahat ng kwalipikadong benepisyaryo ang welding program, anuman ang kasarian. Aniya, hindi gender-based ang TESDA kaya maaaring sumailalim sa welding training ang kalalakihan, kababaihan, at miyembro ng LGBTQ community.
Tatagal hanggang sampung araw ang training, na nakatakdang magsimula sa unang linggo ng Hunyo.
Sa ilalim ng programa, walang babayaran ang mga kwalipikadong kalahok para sa training at assessment, kaya nagkakaroon sila ng pagkakataong matuto ng welding nang walang dagdag na gastusin.
Matapos ang pagsasanay, makatatanggap ang mga benepisyaryo ng training certificate. Kapag naipasa naman ang assessment, magkakaroon sila ng National Certificate o NC na karaniwang hinahanap ng mga employer at ahensiya.
Layunin ng libreng SMAW NC I training na mabigyan ang mga 4Ps beneficiaries ng praktikal na kasanayan, opisyal na sertipikasyon, at mas magandang pagkakataon sa trabaho.








