Isinagawa sa Barangay Carosucan Norte, Asingan ang PhilHealth YAKAP at GAMOT Programs, kasabay ng Purok Kalusugan, upang mabigyan ng iba’t ibang serbisyong pangkalusugan ang mga residente.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang YAKAP registration at enrollment assistance, medical consultation, health assessment, pamamahagi ng libreng gamot, at health education and counseling.
Pinangunahan ang aktibidad ng Rural Health Unit of Asingan at Asingan Community Hospital bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay ng pangunahing serbisyong medikal sa mga mamamayan.
Kahapon, umabot naman sa 108 residente ang nakinabang sa kaparehong programa na isinagawa sa Barangay Ariston East.
Samantala, sa Hunyo 26, araw ng Biyernes, nakatakda namang isagawa ang kaparehong programa sa Barangay San Vicente West.
Layunin ng programa na mas mapalawak ang access ng mga Asinganian sa serbisyong pangkalusugan at matulungan ang mga pamilyang nangangailangan ng konsultasyon, gamot, at gabay para sa kanilang kalusugan.









