“Sa gitna ng matinding sikat ng araw, may teknolohiyang ginagawang biyaya ang init nito para sa agrikultura.” Ganito mailalarawan ang solar water pump project na gumagamit ng enerhiya mula sa araw upang makapaghatid ng tubig sa mga lupang nangangailangan ng patubig.
Kamakailan ay ininspeksyon ni Mayor Carlos Lopez Jr. ang mga solar water pump project sa Barangay Sanchez at Barangay Baro, na inaasahang makatutulong sa pagpapalakas ng irigasyon sa lugar.
Sa pagbisita, sinuri ni Mayor Lopez Jr. ang kalagayan ng mga pasilidad at ang mga bahagi ng irrigation system na maghahatid ng tubig sa mga lupain.
Nagpasalamat din ang alkalde kay DAR Secretary Conrad Estrella III sa suporta sa proyekto, gayundin kay Engr. John Molano ng Pangasinan Irrigation Management Office (PIMO) ng National Irrigation Administration (NIA) sa pangangasiwa nito.
Gamit ang solar-powered technology, layunin ng proyekto na matiyak ang mas tuloy-tuloy na daloy ng tubig sa mga sakahan.
Kabilang sa pangunahing pananim ng mga magsasaka sa lugar ang palay at mais, kaya mahalaga ang sapat at tuloy-tuloy na patubig para sa kanilang kabuhayan.
Ayon kay Mayor Lopez Jr., mahalaga ang mga proyektong tulad nito upang mas mapalakas ang sektor ng agrikultura at mas mapakinabangan ang mga lupain sa Barangay Sanchez at Barangay Baro.
Patuloy namang makikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang maayos na paggamit at pagpapanatili ng mga pasilidad.









