
Nagsagawa ng pagpupulong ngayong Biyernes, Nobyembre 7, ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Asingan sa pangunguna ni Mayor Carlos Lopez Jr., katuwang si Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) Dr. Jesus Cardinez, upang paghandaan ang posibleng epekto ng Bagyong Uwan sa bayan.

Layunin ng pagpupulong na tiyakin ang kahandaan ng bawat barangay at tanggapan ng lokal na pamahalaan sakaling maramdaman sa bayan ang masamang panahon dulot ng naturang bagyo.
Binigyang-diin ni Dr. Jesus Cardinez ang pangangailangang i-activate ng mga barangay ang kani-kanilang Barangay Disaster Risk Reduction and Management Councils (BDRRMCs) upang maging alerto at maagap sa pagresponde.
Dagdag pa ni Mayor Lopez Jr., nakahanda na ang mga truck, ambulansya, at rescue vehicles ng lokal na pamahalaan para sa posibleng forced evacuation. Aniya, sapat ang bilang ng mga rescue team, BFP, at PNP patrols na tutugon sa anumang insidente dulot ng pagbaha o malakas na hangin.
Pinaalalahanan din ni Mayor Lopez Jr. ang mga Asinganians na maging alerto at handa sa lahat ng oras upang masigurong ligtas ang bawat isa sakaling maranasan ang matinding epekto ng bagyo sa bayan.







