Official LGU Website of Asingan Pangasinan

Arya Asingan


News and Events

MAYOR LOPEZ, SUPORTADO ANG ADHIKAING ITAGUYOD AND TAMANG NUTRISYON SA BAWAT ASINGANIAN

Oct
14,
2025
Comments Off on MAYOR LOPEZ, SUPORTADO ANG ADHIKAING ITAGUYOD AND TAMANG NUTRISYON SA BAWAT ASINGANIAN
 
Sa kabila ng patuloy na pag-unlad ng bansa, nananatiling hamon para sa maraming Pilipino ang pagkakaroon ng sapat na nutrisyon. Ayon sa 2023 National Nutrition Survey, 23.6% ng mga batang may edad 0–59 buwan ang nakararanas ng stunting o pandak sa kanilang edad, 5.6% ang wasting o labis na kapayatan, at 15.1% naman ang underweight.
Sa mga tahanan, tinatayang 31.4% ng mga sambahayan ang nakararanas ng katamtaman hanggang matinding food insecurity, habang 2.7% naman ang dumaranas ng matinding kakulangan sa pagkain.
Samantala, sa hanay ng mga matatanda, 39.8% ang nakararanas ng obesity — partikular na mas mataas sa kababaihan (45.4%) at sa mga naninirahan sa lungsod (44.5%).
Upang matugunan ang mga suliraning ito, nagsagawa ng courtesy call ang mga kinatawan mula sa Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) kay Mayor Carlos Lopez Jr. ng Asingan upang ihatid ang layunin ng 2025 Updating Survey on the Nutritional Status of Filipino Children and Other Population Groups.
Tinalakay sa pagpupulong ang iba’t ibang aspeto ng kalusugan at nutrisyon ng mga mamamayan — mula sa antas ng kabuhayan ng mga pamilya, paraan ng pagpapakain sa mga sanggol at bata, kaligtasan ng pagkain sa tahanan, kalusugan ng mga ina, hanggang sa kamalayan ng publiko sa mga programa ng DOST-FNRI.
Ayon sa mga kinatawan ng ahensya, layunin ng survey na mai-update ang datos sa nutrisyon at kalusugan ng mga Pilipino upang magsilbing gabay sa pagbuo at pagsasaayos ng mga polisiya at interbensyon — hindi lamang sa pambansang antas, kundi maging sa mga lokal na pamahalaan.
Ipinahayag naman ni Mayor Lopez Jr. ang buong suporta ng lokal na pamahalaan ng Asingan sa proyekto.
“Bukas ang ating bayan sa mga inisyatibang naglalayong mapabuti ang kalusugan ng ating mga kababayan. Lahat ng makatutulong para sa mas malusog na Asingan, susuportahan natin,” ani Mayor Lopez.
Sa tulong ng survey na ito, umaasa ang DOST-FNRI na mas mailalapit sa bawat Pilipino ang mga programang pangkalusugan at pangnutrisyon — upang sa mga susunod na taon, mas kaunti na ang batang kulang sa timbang, mas marami ang masigla, at mas malusog ang bawat pamilyang Pilipino.
 

Previous

Next

Comments are closed.

More
To the top