
Sa ilalim ng matapat na paglilingkod ng panunungkulan ni Mayor Carlos Lopez Jr., muling pinatunayan ng lokal na pamahalaan ng Asingan ang suporta nito sa mga ahensyang katuwang sa serbisyo publiko.
Nito lamang Lunes ng umaga, dalawang bagong multipurpose vehicles ang opisyal na naipagkaloob sa mga Civil Society Organizations (CSO) at mga Department Heads ng munisipyo.
Ang nasabing mga sasakyan ay maaaring gamitin bilang transportasyon sa mga opisyal na aktibidad at programa, hindi lamang sa loob ng Pangasinan kundi maging sa buong Rehiyon Uno.
Ayon kay Mayor Lopez, bahagi ito ng kanyang adbokasiya na mas mapabuti ang serbisyong pampubliko at mabigyang-daan ang mas mabilis, mas ligtas, at mas episyenteng pagganap ng tungkulin ng bawat tanggapan at organisasyon sa bayan. Nagpaabot din ng taos-pusong pasasalamat ang alkalde sa mga tax payers, na aniya’y “susi sa pagpapatuloy ng mga programang makabuluhan at serbisyong may malasakit.”
Ang pamamahagi ng mga sasakyan ay inaasahang magpapalakas sa koordinasyon at mobilisasyon ng mga grupo at ahensyang katuwang ng LGU sa pagpapatupad ng mga proyekto sa komunidad – mula sa mga outreach program, trainings, seminars, at iba pa.







