Official LGU Website of Asingan Pangasinan

Arya Asingan


News and Events

MAYOR LOPEZ JR., NAGPAHAYAG NG SUPORTA SA KARAPATAN NG PILIPINAS SA WEST PHILIPPINE SEA

Jul
24,
2026
Comments Off on MAYOR LOPEZ JR., NAGPAHAYAG NG SUPORTA SA KARAPATAN NG PILIPINAS SA WEST PHILIPPINE SEA

Bagama’t malayo ang bayan ng Asingan sa mga pamayanang baybayin ng West Philippine Sea, nakiisa si Mayor Carlos Lopez Jr. sa pagsusulong ng soberanong karapatan ng Pilipinas at pangangalaga sa yamang-dagat ng bansa.

Dumalo ang alkalde sa paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 South China Sea Arbitral Award na ginanap kahapon, Hulyo 23, 2026, sa Sison Auditorium sa Lingayen, Pangasinan.

Kasama ang mga opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan, kinatawan ng iba’t ibang ahensiya, civil society organizations at iba pang sektor, lumahok si Mayor Lopez Jr. sa Pledge of Commitment at lumagda sa Commitment Wall.

Sumisimbolo ang kanyang paglagda sa suporta ng Pamahalaang Bayan ng Asingan sa mapayapang pagsusulong ng mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ipinakita rin ng pagdalo ng alkalde na ang usapin ay hindi lamang responsibilidad ng mga pamayanang baybayin, kundi isang pambansang tungkuling nangangailangan ng pakikiisa ng lahat ng lokal na pamahalaan at mamamayan.

Binigyang-diin sa pagtitipon ang kahalagahan ng West Philippine Sea sa kabuhayan ng mga mangingisda, seguridad sa pagkain, pangangalaga sa kapaligiran at pagpapanatili ng likas na yaman para sa mga susunod na salinlahi.

Bahagi ang aktibidad ng Bayanihan para sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas 2026 na may temang “Isang Bansa, Isang Dagat, Isang Paninindigan.”

Previous

Next

Comments are closed.

More
To the top