Official LGU Website of Asingan Pangasinan

Arya Asingan


News and Events

Mayor Carlos Lopez Jr Nagbabala sa Mga Nagpapakalat ng Fake News

Jul
29,
2026
Comments Off on Mayor Carlos Lopez Jr Nagbabala sa Mga Nagpapakalat ng Fake News

Nagbabala si Mayor Carlos Lopez Jr. sa mga nasa likod ng kumakalat na Facebook posts na nagsasabing may naganap umanong saksakan sa municipal plaza ng Asingan.

Ayon sa alkalde, agad niyang ipinaberipika sa Philippine National Police ang naturang impormasyon matapos siyang padalhan ng screenshot. Wala naman umanong natanggap na opisyal na ulat tungkol sa pananaksak sa lugar.

Sinabi ni Mayor Lopez Jr. na posibleng sa ibang bayan nangyari ang insidenteng makikita sa social media ngunit ipininalalabas na sa Asingan ito naganap.

“Huwag po kayong kabahan, huwag po kayong matakot. Hindi po totoo iyong sinasabi nilang balita. Wala pong nasaksak sa plaza natin,” ani Mayor Lopez Jr.

Nananawagan siya sa sinumang nakakakilala sa mga nasa likod ng posts na ipagbigay-alam ang kanilang pagkakakilanlan sa lokal na pamahalaan o sa pulisya upang maimbestigahan at mapanagot.

Aniya, nakasisira sa imahe ng bayan at nagdudulot ng pangamba sa mga residenteng pumupunta sa plaza upang mag-ehersisyo, maglaro, magsayaw at magsagawa ng iba pang aktibidad ang pagpapakalat ng hindi beripikadong balita.

Kasabay nito, iniutos ng alkalde ang pagpapaigting ng seguridad sa lugar. Muling ia-activate ang police outpost, habang mag-iikot ang mga tauhan ng PNP at Public Order and Safety Group mula hapon hanggang gabi. Mayroon ding mga CCTV camera upang mamonitor ang mga aktibidad at makatulong sa agarang pagtugon sa anumang pangyayari.

Bukas ang plaza mula alas-4 ng umaga at isinasara pagsapit ng alas-7 ng gabi.

Tiniyak ng alkalde na mahigpit na binabantayan ang lugar at wala pang naitalang seryosong insidente ng saksakan doon sa loob ng halos pitong taon niyang panunungkulan.

Hinimok niya ang publiko na beripikahin muna sa mga awtoridad ang mga impormasyong nakikita sa social media bago ito paniwalaan o ibahagi.

Previous

Next

Comments are closed.

More
To the top