Mahigit 300 potential beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa bayan ng Asingan ang sumailalim sa validation at registration bilang bahagi ng proseso bago sila tuluyang maaprubahan bilang ganap na benepisyaryo ng programa.
Sa panayam kay Marvin Chen, Beneficiary Data Officer, sinabi nitong ang aktibidad ay para sa Set 14 potential beneficiaries ng 4Ps sa Asingan.
Ayon kay Chen, ang listahan ng mga potential beneficiaries ay nagmula sa Community-Based Monitoring System o CBMS na isinagawa ng Philippine Statistics Authority. Mula rito, natutukoy ang mga pamilyang maaaring mapasama sa iba’t ibang programa at serbisyo ng pamahalaan.
Gayunman, nilinaw niya na hindi awtomatikong magiging benepisyaryo ng 4Ps ang mga nasa listahan.
“Hindi porket nasa list sila is automatically nasa magiging 4Ps na sila. Mag-undergo sila ng validation and at the same time, approval pa,” ani Chen.
Paliwanag pa niya, kapag pumasa sa validation at naaprubahan, saka pa lamang sila maituturing na newly registered 4Ps beneficiaries.
Matapos nito, isasailalim ang mga bagong benepisyaryo sa program orientation, kung saan ipaliliwanag ang mga kondisyon, responsibilidad, mga dapat gawin, at mga hindi dapat labagin sa ilalim ng 4Ps.
Nilinaw din ni Chen na ang Set 14 ay tumutukoy sa batch o grupo ng potential beneficiaries, at hindi sa bilang ng mga taong isasama sa programa.
Samantala, sinabi rin niya na walang partikular na quota kada distrito para sa registration, dahil ang proseso ay nakabatay sa regional share at sa resulta ng validation.
Ang isinagawang validation at registration sa Asingan ay bahagi ng sabayang proseso ng 4Ps sa iba’t ibang lugar sa bansa, na may timeline hanggang sa katapusan ng Hulyo.









