Mahigit 250 kilo na karne ng baboy ang ihahanda para sa Agkalong Festival sa Barangay Macalong.
Ayon kay Punong Barangay Richard Landingin, bahagi ito ng selebrasyon at salu-salo ng mga residente bilang pasasalamat at pagbabahagi ng biyaya sa buong barangay.
Tampok sa handaan ang mga tradisyonal na pagkaing Ilocano tulad ng igado, adobo, dinuguan, at iba pang putahe na karaniwang inihahain sa mga okasyon gaya ng kasal at binyag.
Ani ni Landingin, ang Agcalong Festival ay nakaugat sa kasaysayan ng pangalan ng kanilang barangay.
Paliwanag niya, ang salitang “Agcalong” ay isang Ilocano term na tumutukoy sa pagkain o pagkuha ng pagkain nang walang permiso.
Batay sa kuwento ng barangay, may mga mangangaso noon na nag-iwan ng kanilang pagkain sa ilalim ng isang puno, ngunit ito umano ay kinuha ng isang unggoy. Mula rito, naiugnay ang salitang “Agkalong” sa pangalan ng lugar hanggang sa naging Macalong.
Bukod sa handaan, kabilang din sa selebrasyon ang bloodletting activity, medical mission, exhibition game, colored fun run, at Thanksgiving Mass.
“Pwede po kayong dumalo at inaanyayahan po namin kayo lahat na makilahok at makikalong sa amin dito sa Barangay Macalong,” ani Landingin.











