Binuksan ngayong Lunes, Hunyo 15, ang Libro-Tech Hub, isang bagong pasilidad na layong makatulong sa pag-aaral, research, printing, at paggamit ng teknolohiya ng mga kabataan sa Barangay Carosucan Sur.
Ayon kay Melissa Reside, SK Chairperson ng Barangay Carosucan Sur, ang dating opisina ng CVO ay ginawang Libro-Tech Hub matapos mapagkasunduan na kailangan ng barangay ng isang library na maaaring pakinabangan ng mga kabataan.
Paliwanag ni Reside, pinagsama sa proyekto ang paggamit ng computer at ang tradisyunal na konsepto ng library upang makasabay sa kasalukuyang henerasyon habang napapanatili pa rin ang halaga ng pagbabasa ng mga libro.
Kabilang sa libreng serbisyong iniaalok ng hub ang paggamit ng computer, free WiFi, at free printing na may limit na 10 pages bawat araw kada estudyante.
Bukod sa mga estudyante, bukas din ang pasilidad para sa mga out-of-school youth na nangangailangan ng tulong sa paggawa ng resume, pag-e-edit ng dokumento, at pagpi-print.
Bukas ang Libro-Tech Hub mula Lunes hanggang Sabado, 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, habang sarado naman ito tuwing Linggo.
Nanawagan din si Reside sa publiko na mag-donate ng mga libro at iba pang learning materials na maaaring makatulong sa mga kabataan ng barangay.









