
Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Lokal na Pamahalaan ng Asingan, sa pangunguna ni Mayor Carlos Lopez Jr., kasama ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Labor and Employment (DOLE), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Layunin ng kasunduang ito na palakasin ang patuloy na pakikipagtulungan ng LGU Asingan sa mga nasabing ahensya upang mapigilan ang ilegal na pagre-recruit ng mga manggagawa at human trafficking sa bayan.
Sa pamamagitan ng kasunduang ito, inaasahang mas mapalalawak ang mga kampanya sa impormasyon, pagsasanay, at proteksyon para sa mga mamamayan ng Asingan at kanilang mga pamilya laban sa mga mapanlinlang na recruiter at human traffickers.
Kabilang sa mga lumagda sa kasunduan sina Christian Rey Sison, Regional Director ng DMW; Atty. Falconi Millar mula sa DMW Central Office; Leslie Ann Ancheta ng DOLE; Bel Fernandez ng OWWA; at Jesus Salagubang, School Administrator ng TESDA-LMMSAT.

Kasabay nito, ipatutupad ang Photovoltaic (PV) System Installation NC II training program, isang TESDA-accredited course na magbibigay ng technical skills at kaalaman sa mga Asinganian — partikular sa mga returning overseas Filipino workers (OFWs) at local job seekers — upang mapaunlad ang kanilang kakayahan sa renewable energy industry.
Dumalo rin sa nasabing okasyon sina Rizalina C. Aying, PESO Manager; Marites Maynes; at Karen Tan mula sa DMW Regional Office.







