Sa panahon ngayon na patuloy na nararamdaman ng maraming pamilya ang pagtaas ng presyo ng bilihin, malaking tulong ang pagkakaroon ng sariling tanim na gulay sa bakuran. Bukod sa nakatitipid sa araw-araw na gastusin, mas kampante rin ang pamilya sa gulay na kanilang ihahain dahil alam nila kung paano ito itinanim at inalagaan.
Ito ang isa sa mga layunin ng Municipal Agriculture Office sa nakatakdang pamamahagi ng assorted vegetable seeds sa mga backyard gardeners sa mga barangay sa unang bahagi ng Hulyo.
Ayon kay Minerva Rosas, kasalukuyang tumatayong Municipal Agriculturist, kasama sa mga target na mabibigyan ang mga benepisyaryo ng 4Ps, PWDs, at iba pang residente na may bakanteng lote o espasyo sa kanilang tahanan na maaaring pagtaniman ng gulay.
Tinatayang nasa 100 backyard owners kada barangay ang mabibigyan ng vegetable seeds. Dahil may 21 barangay, higit 2,000 backyard gardeners ang target na makinabang sa naturang programa.
Kabilang sa mga ipamimigay na seeds ang ampalaya, pipino, kangkong, pechay, sitaw, patola, upo, talong, sili, at kalabasa.
Layunin ng programa na matulungan ang mga residente na magkaroon ng sariling mapagkukunan ng gulay sa kanilang bakuran at mabawasan ang kanilang gastusin sa pagkain.
“Ginagawa ito para makatulong sa ating mga residente na makatipid, para hindi na sila bibili ng gulay sa palengke,” pahayag ni Rosas.
Pinili umano ang mga naturang uri ng gulay dahil madaling patubuin at mabilis ding anihin. Halimbawa, ang pechay ay maaaring anihin sa loob lamang ng humigit-kumulang 25 araw, habang ang pipino naman ay maaaring mamunga sa loob ng mga 30 araw.
Ang naturang pamamahagi ay bahagi ng Backyard Gardening Program na pinopondohan ng LGU at isinasagawa taon-taon.
Sa proseso ng pamamahagi, dadalhin ng Municipal Agriculture Office ang mga seed packs sa mga barangay. Ang barangay captain o chairman ng agriculture naman ang magpapatawag sa mga residenteng may bakanteng lote na maaaring pagtaniman ng gulay.
Bukod sa pamamahagi ng vegetable seeds, kabilang din sa mga pinagkakaabalahan ng tanggapan ang paghahanda para sa vaccination at deworming ng large animals upang mapanatiling malusog ang mga alagang hayop ng mga residente.
Hinihikayat naman ni Rosas ang mga mabibigyan ng seeds na itanim at alagaan ang mga ito upang higit na mapakinabangan ng bawat pamilya.
“Sana ang mabibigyan ay itanim at alagaan ang seeds para lalong mapakinabangan ng bawat pamilya,” dagdag pa ni Rosas.
Sa pamamagitan ng backyard gardening, inaasahang mas maraming pamilya ang magkakaroon ng sariling tanim na gulay sa kanilang bakuran, na makatutulong hindi lamang sa pagtitipid kundi maging sa pagkakaroon ng mas masustansyang pagkain sa hapag.








