Isinagawa sa Luciano Millan National High School sa Asingan ang earthquake drill upang palakasin ang kahandaan ng mga guro, estudyante, at school personnel sa oras ng lindol.
Pinangunahan ng LGU Asingan, sa pamamagitan ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office, ang pagbibigay ng paalala sa tamang pagkilos bago, habang, at pagkatapos ng lindol
.
.Paliwanag ni Michael Soliven, LDRRMO I ng LGU Asingan, mahalagang alam ng bawat isa ang dapat gawin sa oras ng lindol upang maiwasan ang panic at mapangalagaan ang kaligtasan ng lahat.
Sa isinagawang earthquake drill, binigyang-diin ang maayos na paglikas ng mga mag-aaral, guro, at school personnel patungo sa itinakdang evacuation area matapos ang lindol.
Sinabi ni Florencio Quezon Jr., school principal ng Luciano Millan National High School, na mahalaga ang pagsasagawa ng earthquake drill lalo na’t mahigit 2,000 estudyante ang kanilang paaralan ngayong School Year 2026-2027.
Aniya, hindi inaasahan ang pagdating ng sakuna kaya dapat laging handa ang mga mag-aaral, guro, at school personnel upang mabawasan ang pinsala at masiguro ang kaligtasan ng mga bata.
Pinaalalahanan din ang paaralan na magkaroon ng malinaw na evacuation plan, emergency kits, first aid readiness, at koordinasyon sa barangay at iba pang ahensya.
Sa huli, nanawagan ang LGU Asingan at pamunuan ng paaralan na seryosohin ang earthquake drill dahil ang kahandaan, disiplina, at tamang kaalaman ang makapagliligtas ng buhay sa panahon ng sakuna.








