Tahimik ang laban sa kalsada—hindi lahat ng pasada ay may kita, at hindi lahat ng pagod ay may kapalit. Umaandar siya araw-araw, pero ang uuwi sa kanya ay minsan kulang pa sa pangangailangan.
“Parang pasada na walang kasiguraduhan—umaandar araw-araw, kahit hindi alam kung may uuwi bang sapat.”
Ganito inilalarawan ng animnapu’t limang taong gulang (65) na si Jimmy Pascua ng Barangay Poblacion West ang kanyang naging biyahe nitong nakalipas na mahigit isang buwan.
Kaya naman malaking bagay kay Pascua na kasama siya sa mahigit isang libong nakatanggap ng tig-limang libong piso (₱5,000) bilang bahagi ng Cash Relief Assistance (CRA) mula sa Department of Social Welfare and Development.
“Malaking bagay na rin po sa amin, lalo na ngayon na mahal ang gasolina. Nagagamit po namin ito para malagyan ng kahit ₱200 o ₱300 ang tangke, at para makabili ng mga kailangan sa tricycle tulad ng kadena at sprocket. Kaya malaking tulong po sa amin ang ₱5,000 na naibigay,” pahayag ni Pascua.
Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ipinatutupad ng DSWD ang pamimigay ng cash relief assistance para suportahan ang mga tsuper na maibsan ang mga gastusin at matulungan silang makapagpatuloy sa kanilang serbisyo sa komunidad.
Sa kabuuan, nasa pitong libo tatlong daan at dalawampung tricycle ang mabibigyan ngayong araw sa Rehiyon Uno.








