Official LGU Website of Asingan Pangasinan

Arya Asingan


News and Events

DOLE-TUPAD, NAGHATID NG TULONG SA BRIGADA ESKWELA SA ASINGAN

Jun
19,
2026
Comments Off on DOLE-TUPAD, NAGHATID NG TULONG SA BRIGADA ESKWELA SA ASINGAN
 
Kasalukuyang tumutulong sa paglilinis at pagsasaayos ng ilang paaralan sa Asingan ang 134 benepisyaryo sa ilalim ng TUPAD program ng Department of Labor and Employment o DOLE para sa Brigada Eskwela 2026.
Ayon kay Mary Roma Plastina Eclara ng DOLE Rosales, itinalaga ang mga benepisyaryo sa mga paaralan upang magsagawa ng paglilinis, waste management, pagputol ng mga sanga, pagpipintura, at minor repair sa ilang pasilidad.
Tatlong paaralan sa bayan ang aprubadong pagtalagahan ng mga benepisyaryo, kabilang ang Luciano Millan National High School, Angela Valdez, at Narciso Ramos Elementary School.
Paliwanag ni Eclara, sa mga paaralan lamang nakatalaga ang mga benepisyaryo dahil ang programa ay nakatuon sa Brigada Eskwela.
“Sa school lang po sila i-designate. Hindi po sila pwedeng pumunta sa ibang public facilities dahil sila po ay para sa Brigada Eskwela,” ani Eclara.
Saklaw ng kanilang trabaho ang 10 araw, kung saan tatanggap sila ng P505 kada araw, o kabuuang P5,050 matapos makumpleto ang kanilang serbisyo.
Sa Luciano Millan National High School, sinabi ni School Principal Florencio Quezon Jr. na malaking tulong ang TUPAD dahil kasabay ng Brigada Eskwela ang enrollment at regular na operasyon ng paaralan, kaya nahihirapan ang mga guro at volunteers na pagsabayin ang mga gawain.
Ayon kay Quezon, 47 TUPAD beneficiaries ang nakatalaga ngayon sa kanilang paaralan at tumutulong sa gardening, paglilinis ng comfort rooms, at pag-aayos ng mga canal.
“May mga unfinished kami na nasimulan doon sa Brigada Eskwela at iyon po ang gagawin nila. Napakaganda na mayroong TUPAD na tutulong sa atin,” pahayag ni Quezon.
Nagpasalamat din ang punong-guro sa DOLE dahil sa magandang ugnayan nito sa Department of Education, na nagbibigay ng tulong sa paaralan at oportunidad sa mga magulang at guardian ng mga mag-aaral.
Nilinaw naman ni Eclara na ang TUPAD ay one beneficiary per family lamang sa loob ng isang taon, kaya matapos ang 10 araw ay wala nang kasunod na deployment para sa parehong benepisyaryo ngayong taon.
Isinasagawa ang programa upang suportahan ang Brigada Eskwela at makatulong sa pagpapanatiling malinis, maayos, at ligtas ang mga paaralan habang nagpapatuloy ang klase

 

Previous

Next

Comments are closed.

More
To the top