Nababahala ngayon ang Commission on Population and Development (CPD) sa pagtaas ng kaso ng panganganak sa hanay ng mga batang edad 10 hanggang 14.
Ayon kay CPD Division Chief Mae Quiray, batay sa datos ng Civil Registration and Vital Statistics noong 2024, umakyat sa 3,612 ang bilang ng mga batang nanganak sa nasabing age group mula sa 3,343 noong 2023.
“Actually, we are very alarmed kasi increasing talaga. Maliit siya na proportion pero 10 to 14, ang bata. And still, 3,000 is 3,000,” pahayag ni Quiray.
Kabilang sa mga naitala ang dalawang 10-anyos na batang babae na nanganak sa Western Visayas o Region 6 at Bicol Region o Region 5.
Bukod sa murang edad ng mga batang nanganak, ikinababahala rin ng CPD ang edad ng mga lalaking nakabuntis sa kanila.
Ayon kay Quiray, sa mga kaso ng 10-anyos na nanganak, hindi nakasaad ang edad ng ama. Ngunit sa ibang datos, lumalabas na mas matatanda ang mga lalaking nakabuntis sa mga batang babae.
“Ang mas alarming doon is yung fathers ng mga nabuntis na bata. They are very, way, much older than those girls,” ani Quiray.
Giit ni Quiray, dapat tingnan bilang posibleng pang-aabuso ang pagbubuntis at panganganak ng mga batang mas bata sa age of sexual consent, na 16 taong gulang sa ilalim ng batas sa Pilipinas.
“For us, it’s an issue of abuse. If bata siyang nabuntis at nanganak, there may be some kind of abuse involved there,” paalala ni Quiray.
Sinabi rin niya na maaaring may umiiral na siklo ng pang-aabuso o maling pananaw sa ilang pamilya at komunidad, kung saan nagiging tila normal ang ganitong pangyayari dahil sa mga nakaraang karanasan.
Upang maprotektahan ang mga bata, sinabi ni Quiray na mahalagang simulan ang tamang edukasyon sa murang edad. Para sa mga batang edad 5 hanggang 8, pangunahing mensahe umano ang proteksyon laban sa pang-aabuso.
“You have to teach the child how to protect himself or herself,” ani Quiray.
Nanawagan ang CPD sa mga pamilya, paaralan, komunidad, at mga ahensya ng pamahalaan na mas palakasin ang proteksyon sa mga bata laban sa pang-aabusong seksuwal at maagang pagbubuntis.








