Bagong Hanay ng OFW Leaders sa Bayan ng Asingan, Nanumpa Na
Ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ay kilala bilang “makabagong bayani” ng Pilipinas.

Sa kabila ng pangungulila at sakripisyo sa ibang bansa, patuloy silang nagsusumikap upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya at tumulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Ayon sa Department of Migrant Workers, umabot sa 2,330,720 ang kabuuang bilang ng OFWs sa taong 2025, na nag-ambag ng humigit-kumulang US$2.66 bilyon na cash remittances.
Sa patuloy na pagkilala sa mahalagang papel ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pag-unlad ng bayan, isang makasaysayang mass oath-taking at induction ceremony ang pinangunahan ni Mayor Carlos Lopez Jr. ngayong araw bilang pormal na pagkakatatag ng OFW Association sa bayan ng Asingan.
Sa isang makabuluhang pagtitipon, binigyang-diin ni Mayor Carlos Lopez Jr. ang kahalagahan at malaking ambag ng sektor ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa lipunan at sa pag-unlad ng bayan.
Sa kanyang mensahe, pinuri niya ang sakripisyo at dedikasyon ng mga OFW na patuloy na nagsisilbing haligi ng kanilang mga pamilya at ng buong komunidad.
Bukod sa pagbibigay-pugay, inanunsyo rin ng alkalde na isasama ng lokal na pamahalaan ng Asingan sa darating na badyet ang isang Kabuhayan Package Program na nakatuon sa pagsuporta sa mga OFWs at kanilang pamilya.
Dagdag pa ni Mayor Lopez Jr., nakikipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa iba pang ahensya ng gobyerno upang humingi ng karagdagang tulong at suporta para sa sektor na ito.
Buong puso namang tinanggap ng mga OFW at kanilang pamilya ang hakbang na ito bilang patunay ng pagpapahalaga at pagkilala ng pamahalaan sa kanilang kontribusyon at pangangailangan.
Ang seremonya ay dinaluhan nina Vice Mayor Heidee Chua; Sheryl Lopez, Vice President ng Top Training Education Center Inc.; Councilor Ira Chua; Councilor Joselito Viray; Councilor Johnny Mar Carig,; Michelle Joison Lizon ang General Manager ng Top Training Education Center Inc. at iba pa.








