BACKYARD GARDENING PROGRAM NG LGU, SINIMULAN NA SA CAROSUCAN SUR AT CAROSUCAN NORTE
Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Asingan ang Backyard Gardening Program sa Barangay Carosucan Sur at Barangay Carosucan Norte, kung saan namahagi ng libreng buto ng gulay sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ginanap ang pamamahagi sa kani-kanilang barangay hall bilang bahagi ng pagsisikap na palakasin ang pagtatanim ng gulay sa mga bakuran.
Ayon sa Municipal Agriculture Office o MAO, ang programa ay pinondohan ng lokal na pamahalaan ng Asingan at isinagawa katuwang ang mga Barangay Nutrition Scholars o BNS bilang suporta sa Barangay Nutrition Action Plan.
Prayoridad sa programa ang mga pamilyang may mga batang may malnutrisyon, gayundin ang mga residenteng may bakuran at handang magtanim. Nilinaw din ng tanggapan na hindi kailangang registered farmer upang maging benepisyaryo.
Maaari ring mabigyan ang mga paaralang may existing garden, mga miyembro ng 4Ps, at mga HAPAG garden na mayroon nang taniman.
Gayunman, limitado lamang sa 100 ang maaaring makatanggap sa ilalim ng programa. Kung may barangay na kakaunti ang kumuha, maaaring ilaan ang natitirang slots sa iba pang barangay na nais pang mabigyan.
Upang matiyak na magagamit nang tama ang mga naipamahaging buto, magkakaroon ng monitoring pagkalipas ng tatlong linggo hanggang isang buwan, katuwang ang barangay.
Hinihikayat din ng MAO ang mga benepisyaryo na siguraduhing maitatanim ang mga buto ng gulay upang hindi masayang ang pondo ng lokal na pamahalaan at mas mapakinabangan ng mga pamilya ang programa.










