Sa direktiba ni Mayor Carlos Lopez Jr., nagsagawa ng pagpupulong ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) para sa isang post- assessment meeting na nakatuon sa pagsusuri ng naging epekto at tugon ng lokal na pamahalaan sa pananalasa ni Super Typhoon Uwan. Layunin ng pagpupulong na ito na masusing masuri ang kabuuang pinsala at epekto ng bagyo sa buong bayan, at matukoy ang mga hakbang na kinakailangan upang mapabilis ang pagtugon at rehabilitasyon sa mga apektadong komunidad.
Sa nasabing pagpupulong, nagbigay ng kani-kaniyang ulat ang mga Punong Barangay ukol sa lawak ng pinsala sa kanilang mga nasasakupan, kalagayan ng mga apektadong residente, at ang naging epekto sa sektor ng agrikultura-partikular sa mga nagtatanim ng gulay, palay, at mais, pati na rin sa livestock o mga hayop na inaalagaan sa kani-kanilang barangay.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang ganitong post-assessment meeting ay mahalaga upang matukoy ang kabuuang lawak ng pinsala at epekto ni Super Typhoon Uwan sa bayan ng Asingan.
Batay sa mga datos at ulat na naipresenta, gagawan ng tamang plano ang pamahalaan upang maibigay ang angkop na tulong-mula sa agarang relief operations hanggang sa pangmatagalang rehabilitasyon at suporta sa mga nasalanta.
Sa pamamagitan ng ganitong hakbang, tiniyak ni Mayor Carlos Lopez Jr. na ang lokal na pamahalaan ng Asingan ay handa at aktibo sa pagbibigay ng tulong sa lahat ng naapektuhan ng bagyo, at patuloy na nagbabantay sa sitwasyon ng bawat
komunidad upang masiguro ang kaligtasan at mabilis na pagbangon ng bayan mula sa pinsalang dulot ng kalamidad.








