Sa isinagawang courtesy visit ng mga kinatawan mula sa OVP – Pangasinan Satellite Office, opisyal nilang ipinabatid kay Mayor Carlos F. Lopez Jr. na ang bayan ng Asingan ay kabilang sa mga napiling benepisyaryo na makatatanggap ng tulong mula sa programang “PagbaBAGo: A Million Learners and A Million Trees” ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo.
Apat na pampublikong paaralan sa Asingan ang unang makikinabang sa programang ito, na siyang pagtutuunan ng pangunahing pamamahagi ng mga “PagbaBAGo Backpacks.”
Ang nasabing programa ay inisyatibo ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa pangunguna ni Vice President Sara Z. Duterte. Layunin nitong maipamahagi ang isang milyong backpacks na may lamang mga school supplies, dental kits, at raincoats para sa mga estudyante sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kasabay nito, bahagi rin ng programa ang pagtatanim ng isang milyong puno upang suportahan ang pangangalaga sa kalikasan.
Nagpasalamat si Mayor Lopez Jr. sa pagkakataong mapabilang ang Asingan sa programa, at tiniyak ang buong suporta ng lokal na pamahalaan para sa maayos na implementasyon nito. Ayon sa alkalde, malaking tulong ito sa mga mag-aaral ng bayan, lalo na sa mga kabataang nangangailangan ng suporta para sa kanilang pag-aaral.
Inihayag ng mga kinatawan ng OVP na magbibigay sila ng signal o abiso kung kailan isasagawa ang pamamahagi ng mga “PagbaBAGo Backpacks” sa Asingan.
Target ng programa na maabot ang isang milyong mag-aaral sa buong bansa sa loob ng anim na taon.








