Sa gitna ng pabago-bagong panahon at tumataas na gastos sa produksyon, patuloy na nagsusumikap ang mga magsasaka ng Asingan na mapanatili ang kanilang kabuhayan.
Ngayon, nagkakaroon ng bagong direksyon ang sektor ng agrikultura sa bayan — isang pag-asang ibinubuo sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at suporta mula sa pamahalaan.
Sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nakatanggap ng tulong pinansyal ang Guardians Farmers Luzon Association (GFLAI) — isang samahan ng mga magsasaka sa Asingan na layuning mapalago ang lokal na produksyon ng gulay at iba pang pananim.
Ayon kay Mayor Carlos F. Lopez Jr., malinaw na nakikinabang ang mga benepisyaryo mula sa naturang proyekto.
“Yan yung proyekto ng National Government na kung saan naging recipient yung ating Guardians Farmers Luzon Association ng SLP program. Kaya maganda rin, nakita namin yung effect — napakaganda yung mga tanim nila,” ani Mayor Lopez Jr.
Ang programa ay sinuportahan ng ABONO Party List, sa pamumuno ni Congressman Eskimo Estrella, na naglaan ng ₱500,000 bilang puhunan para sa mga magsasaka.
Ang inilaang pondo ay nakatulong upang mapalakas ang produksyon sa kabila ng pagtaas ng presyo ng abono at krudo — mga pangunahing hamon sa sektor ng agrikultura sa rehiyon.
Samantala, bagong hamon naman ang tinututukan ng lokal na pamahalaan — ang marketing at direktang koneksyon sa mga mamimili.
Sa layuning mapataas ang kita ng mga magsasaka, hinihikayat ni Mayor Lopez Jr. ang mga establisimyento at supermarket na tangkilikin ang lokal na ani.
“Baka pwede na kayong dumirekta sa aming mga local farmers. Dahil napakaganda po, actually yung ampalaya na binigay nila sa akin, niluto ko po yan — talagang sariwa at quality, walang uod,” ani ng alkalde.
Sa bayan ng Asingan, ang simpleng tulong ay nagiging binhi ng pag-asa. Sa bawat butil ng palay at bawat tanim na inaalagaan ng mga kamay ng magsasaka, muling tumutubo ang pag-asa para sa mas matatag at mas produktibong komunidad.











