Muling pinatunayan ng mga kabataang atleta mula sa Angela Valdez Ramos National High School at Eylim Christian Academy Inc. ang kanilang husay sa larangan ng palakasan matapos kapwa makapag-uwi ng mga gintong medalya sa katatapos lamang na 2026 Region I Athletic Association (R1AA) Meet na ginanap sa Candon City, Ilocos Sur.
Kabilang sa mga larong napanalunan ng gintong medalya ng Angela Valdez Ramos NHS ay ang Sepak Takraw, Table Tennis Girls Single, at Table Tennis Mixed Doubles. Hindi rin nagpahuli ang kanilang koponan sa Table Tennis Boys Doubles kung saan nakakuha sila ng silver medal.
Sa kabilang banda, namayagpag din ang Eylim Christian Academy Inc. matapos masungkit ang ginto sa Women’s Doubles at Mixed Doubles sa nasabing kompetisyon. Bunsod ng kanilang natatanging tagumpay, ang mga kabataang atletang nagwagi ng gintong medalya ay nakatakdang kumatawan sa rehiyon sa pambansang kompetisyon—ang Palarong Pambansa.
Kasunod nito, ginanap ang pagkilala sa mga atletang estudyante matapos ang Monday flag ceremony sa munisipyo sa pangunguna ni Asinga Mayor Carlos Lopez Jr.
Patunay ang kanilang tagumpay sa dedikasyon, disiplina, at husay ng kabataang patuloy na nagbibigay karangalan sa kanilang paaralan at komunidad.








