Official LGU Website of Asingan Pangasinan

Arya Asingan


News and Events

ALS LEARNERS, PATUNAY NA HINDI HADLANG ANG EDAD SA EDUKASYON

May
22,
2026
Comments Off on ALS LEARNERS, PATUNAY NA HINDI HADLANG ANG EDAD SA EDUKASYON
 
Sa ilalim ng tirik na araw, tahimik na tinatahak ng gurong si Myra Ladesma ang makitid na daan ng iba’t ibang barangay. Pawis ang dumadaloy sa kanyang noo, at halos matuyo ang kanyang lalamunan sa init ng panahon. Ngunit sa kabila ng pagod, mahigpit pa rin niyang hawak ang mga learning modules at listahan ng mga posibleng mag-aaral sa Alternative Learning System (ALS).
Hindi lamang siya naghahanap ng pangalan sa papel. Hinahanap niya ang mga pangarap na pansamantalang naisantabi, ang mga kabataang napilitang magtrabaho, at ang mga magulang na matagal nang gustong ipagpatuloy ang pag-aaral ngunit hindi nabigyan ng pagkakataon.
Sa bawat bahay na kanyang pinupuntahan, bitbit niya ang pag-asang may isang taong handang maniwala muli sa sarili. At kahit tila sinusubok siya ng init ng araw, mas mainit ang kanyang hangaring makapagbigay ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon.
“Mahirap talaga. Iba-iba kasi ang ugali ng mga kabataan ngayon. Minsan pati ang mga nanay at tatay na nakakausap namin ay iba-iba rin ang ugali. Pero habang tumatagal at habang kasama namin sila sa pag-aaral, nakikilala namin ang isa’t isa. Nagiging kaibigan na rin namin sila. Dahil karamihan sa kanila ay hindi na pangkaraniwang edad para sa paaralan, itinuturing ko na lang silang barkada. Sa ganoong paraan, hindi sila nahihiyang magsabi sa akin ng kanilang nararamdaman o problema,” kuwento ni Teacher Ladesma, na labinlimang taon nang ALS coordinator.
Sa mahigit limang daang buhay na nabago ng ALS program, ilan lamang sina Freda Mapalo ng Barangay Bobonan, Cristina Padapat ng Barangay Ariston West, at Gemma Villanueva Almonte ng Barangay Toboy sa mga patunay na ang pangarap ay hindi natatapos sa kahirapan, edad, o pagiging magulang.
Si Freda ay kumikita na ngayon sa pagbebenta ng unan. Si Cristina, 48 taong gulang, ay patuloy na lumalaban para sa diplomang minsang inakala niyang malayo na. Si Gemma naman, isang Grade 12 learner, ay nagsisikap makatapos upang makahanap ng maayos na trabaho at balang araw ay makapag-abroad.
Sa kanilang mga kuwento, ang edukasyon ay hindi lamang papel o diploma. Ito ay pagbangon, dangal, at pag-asang nagsasabing kailanman ay hindi huli ang lahat para mangarap muli.
Para sa mga naging bahagi na ng ALS, nagsilbi itong daan upang maipagpatuloy ang pag-aaral na minsang nahinto. Para naman sa mga magiging bahagi pa lamang nito, ang programa ay maaaring maging simula ng bagong pag-asa.
“Sa mga naging ALS learners, ipagpatuloy ninyo ang pagsisikap,” mensahe ni Teacher Ladesma. “Sa mga nais pa lamang sumali, huwag kayong matakot magsimula muli.”
Sa kabila ng init, pagod, at hirap ng paghahanap, nananatiling matatag si Teacher Ladesma sa kanyang layunin. Para sa kanya, bawat taong mahihikayat na bumalik sa pag-aaral ay isang hakbang tungo sa mas magandang kinabukasan.
“Ang ALS ay hindi lamang tungkol sa pag-aaral,” wika niya. “Ito ay pagkakataong muling maniwala sa sarili at sa sariling pangarap.

Previous

Next

Comments are closed.

More
To the top