Isinagawa sa bayan ng Asingan ang isang Youth Development Session para sa mga kabataang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, upang palakasin ang kanilang kaalaman sa edukasyon, basic life skills, communication skills, reproductive health, at disaster preparedness.
Ayon kay Krista Garin, Municipal Link ng 4Ps sa Asingan, layunin ng aktibidad na mabigyan ang mga kabataan ng gabay upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at maiwasan ang paghinto sa high school o senior high school.
“Ito po ay youth development session. Isa po siyang activity na kung saan binibigyan natin ng avenue ang mga bata na matuto ng hindi lang sa school, kundi basic life skills, communication skills, at reproductive health education,” ani Garin.
Dagdag pa niya, mahalaga ang ganitong programa dahil may mga kaso sa Asingan ng mga kabataang tumitigil sa pag-aaral. Kaya naman binigyan ang mga kalahok ng payo at gabay mula sa mga resource persons upang mahikayat silang magpatuloy sa pag-aaral.
Bahagi rin ng talakayan ang reproductive health education. Ayon kay Sharon Bugarin, designated Municipal Population Worker ng Asingan, kailangang maunawaan ng mga kabataan sa murang edad ang tungkulin ng reproductive system at ang mga panganib na kaakibat ng kakulangan sa kaalaman.
“Kailangan nilang malaman sa murang edad nila kung ano ang function ng ating reproductive system at kung ano ang magiging risk,” pahayag ni Bugarin.
Binanggit din ni Bugarin na nakababahala ang pagdami ng teenage pregnancy, kabilang na sa Asingan, kung saan may naitala umanong kaso ng pagbubuntis sa edad na 14 hanggang 15 anyos.
“Dumarami na ngayon ang teenage pregnancies. Alarming talaga iyon,” ani Bugarin.
Upang mas mapalawak ang impormasyon, sinabi ni Bugarin na target nilang magsagawa ng school-to-school symposium ngayong Hulyo para sa mga high school students mula Grade 7 hanggang Grade 12, o mga kabataang nasa edad 11 hanggang 19.
Samantala, sinabi ni Garin na ang Youth Development Session ay isang two-day event na tumatalakay rin sa disaster preparedness at disaster resilience upang maging handa ang mga kabataan sa panahon ng sakuna.
Batay sa datos na ibinahagi ni Garin, umaabot na sa mahigit 400 ang 4Ps graduates sa Asingan mula Enero 2025, habang nasa 1,551 active beneficiaries naman ang nakarehistro sa bayan as of May.
Patuloy namang isinusulong ng Municipal Operations Office at Municipal Social Welfare and Development Office ang mga training, seminar, at iba pang aktibidad upang matulungan ang mga 4Ps beneficiaries na makapagtapos, mapabuti ang kalagayan, at magkaroon ng mas maayos na kinabukasan.









