Makulimlim man ang umaga o biglang uminit ang panahon, magiging mas handa sa pagpasok ang humigit-kumulang 1,200 daycare pupils sa Asingan na nakatakdang makatanggap ng libreng payong.
Ang pamamahagi ay bahagi ng programa ni Vice Mayor Heidee Chua para sa mga batang nag-aaral sa mga daycare center sa buong bayan.
Layunin ng proyekto na mabigyan ang mga bata ng praktikal na gamit na maaari nilang dalhin tuwing papasok at uuwi, lalo na sa pabago-bagong lagay ng panahon.
Nauna na ring namahagi ang bise alkalde ng rain boots bilang suporta sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga daycare pupil.
“Gaya ng dati, kung maalala ninyo, iyong ating rain boots for the kids. Ngayon naman, payong para mas madali nilang magamit,” pahayag niya sa isang panayam.
Hinikayat naman ng tagapagtaguyod ng programa ang mga magulang, nakatatandang kapatid at iba pang tagapag-alaga na alagaang mabuti ang mga payong upang tumagal at mapakinabangan pa ng mga nakababatang kapatid.
“Kapag iningatan ninyo iyan, aabot pa iyan sa mga ading,” dagdag ng opisyal.
Sa pamamagitan ng programa, magkakaroon ang mga daycare pupil ng karagdagang panangga sa ulan at init habang patuloy nilang binubuo ang kanilang mga unang karanasan sa pag-aaral.








