Libreng serbisyong pangkalusugan ang ihahatid sa mga residente ng Asingan ngayong Sabado, Agosto 8, sa pamamagitan ng GUICONSULTA+ Yakap/Gamot Program.
Sa pangunguna ni Pangasinan Gov. Ramon “Mon-Mon” V. Guico III, katuwang ang Rural Health Unit of Asingan at Asingan Community Hospital, layunin ng programa na mas mapadali ang pagpapakonsulta at pagkuha ng pangunahing serbisyong medikal ng mga pamilya sa iba’t ibang barangay.
Mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, maaaring mag-avail ang mga residente ng medical consultation, health assessment, laboratory assessment at libreng maintenance medicines.
Apat na venue ang nakatalaga para sa programa: Carlos Lopez Auditorium, Toboy Elementary School, Ariston West Elementary School at Cabalitian Elementary School, depende sa barangay na kinabibilangan ng residente.
Sakop nito ang 21 barangay—Poblacion East, Poblacion West, San Vicente East, San Vicente West, Dupac, Macalong, Domanpot, Calepaan, Palaris, Bobonan, Coldit, Toboy, Sobol, Ariston East, Ariston West, Bantog, Baro, Sanchez, Cabalitian, Carosucan Norte at Carosucan Sur.
Bahagi rin ng programa ang PhilHealth YAKAP at GAMOT, na naglalayong suportahan ang maagang pagpapatingin at tuloy-tuloy na pangangalaga sa kalusugan.
Para sa mga pamilyang nangangailangan ng konsultasyon o maintenance medicine, pagkakataon ito upang maalagaan ang kanilang kalusugan nang walang dagdag na gastos at mas malapit sa kanilang komunidad.








