Kinilala ang mga opisyal ng Asingan bilang “Kampeon sa Serbisyo Publiko” sa ika-10 Nation Builders and MOSLIV Awards na ginanap noong Abril 22, 2026 sa Okada Manila, dahil sa kanilang natatanging pamumuno at kontribusyon sa lokal na pamahalaan.
Tinanghal si Mayor Carlos Lopez Jr. bilang Honorary Local Chief Executive of the Year, habang kinilala rin ang Asingan bilang Most Sustainable and Liveable Municipality dahil sa mga programang nakatuon sa kaunlaran, mahusay na pamamahala, at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga mamamayan.
Si Vice Mayor Heidee Chua ay ginawaran ng Honorary Public Servant of the Year dahil sa kanyang pagsusulong ng makabuluhang batas at mga programang pangkalikasan na nagtataguyod ng inklusibong pag-unlad sa lokal na pamahalaan.
Kinilala naman si Councilor Athena Ira Chua bilang Honorary Councilor of the Year dahil sa kanyang aktibong paghubog ng mga programang tumutugon sa pangangailangan ng kanyang nasasakupan at sa kanyang malasakit sa serbisyo publiko.
Pinarangalan din si dating Punong Barangay at ngayo’y konsehal na si Melchor Cardinez Jr. bilang Honorary Barangay Captain of the Year, bilang pagkilala sa kanyang tuloy-tuloy na ambag sa pagpapaunlad ng komunidad at lokal na pamahalaan.
Ayon sa mga organizer, ang mga parangal ay patunay ng epektibo at makataong pamumuno ng mga opisyal ng Asingan na nagsisilbing inspirasyon sa iba pang lingkod-bayan sa bansa.








