
Pinasaya ng nasa tatlumpu’t limang (35) batang miyembro ng Stimulation Therapeutic Activity Center (STAC) ang mga bisita at kawani ng munisipyo sa pagpapakita ng kanilang mga Halloween costume para sa Trick or Treat 2025 sa bayan ng Asingan.
Suot ang kanilang mga nakakata-cute na costume, masigla nilang inikot ang iba’t ibang opisina ng Lokal na Pamahalaan upang makibahagi sa pamimigay ng kendi at kasiyahan tuwing Halloween.

Mula pa noong 2007, taun-taon nang isinasagawa ng STAC ang aktibidad na ito para sa mga children with special needs.
Sa panayam, binigyang-diin ni Mayor Carlos Lopez Jr. ang patuloy na suporta ng LGU sa STAC.

“Nag-provide tayo ng bagong building, kagamitan, at financial assistance para sa ating mga anak,” ani Mayor Lopez.
Dagdag pa niya, mahalagang patuloy na ibigay sa mga batang ito ang pag-unawa at pagmamahal na nararapat sa kanila.
Noong Setyembre 2024, itinayo ang bagong gusali ng STAC — isang ligtas at komportableng lugar para sa mga children with special needs sa Asingan.
Ang taunang Trick or Treat ng STAC ay patunay ng pagkalinga at pagkakaisa ng komunidad para sa bawat batang Asinganians.









