
Nagsagawa ng mahalagang pagpupulong ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa pangunguna ni Asingan Mayor Carlos Lopez Jr. upang talakayin ang mga proyekto at aktibidad na layuning tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan sakaling tumama ang anumang uri ng kalamidad sa bayan. Tinalakay sa pulong ang mga kinakailangang hakbang, kabilang ang pagpapatibay ng disaster preparedness measures, prepositioning ng mga kagamitan, at pag- organisa ng mga training at drills para sa iba’t ibang barangay.

Dumalo rin sa pagpupulong sina Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) Dr. Jesus Cardinez, Councilor Joselito Viray, Councilor Benedict Robeniol, Focal Person Michael Soliven, mga kinatawan mula sa iba’t ibang organisasyon, at mga Punong Barangay.
Nakiisa rin ang mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at ang mga Department Head ng Lokal na Pamahalaan ng Asingan, na nagbahagi ng kanilang mahahalagang input para sa mas epektibong disaster preparedness plan.
Binigyang-diin ni Mayor Lopez Jr. ang kahalagahan ng maagap at koordinadong pagkilos ng bawat sangay ng lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kahandaan ng Asingan. Ayon sa kanya, pangunahing prayoridad ng LGU ang proteksiyon at kapakanan ng bawat residente lalo na sa panahon ng sakuna.
Muling ipinunto ng MDRRMC ang pangangailangan ng tuloy-tuloy na paghahanda at pakikipag-ugnayan sa mga national at provincial agencies upang masigurong maayos at mabilis ang magiging tugon sa anumang emerhensiya.







