Official LGU Website of Asingan Pangasinan

Arya Asingan


News and Events

Mayor Carlos Lopez Jr., Pinangunahan ang pagpapasemento ng Daan sa Purok Inanama

Oct
30,
2025
Comments Off on Mayor Carlos Lopez Jr., Pinangunahan ang pagpapasemento ng Daan sa Purok Inanama
Matagal na tiniis ng mga taga–Purok Inanama, Barangay Domanpot, ang putik, baha, at hirap sa paglalakad tuwing tag-ulan. Sa bawat buhos ng ulan, ang dating simpleng pagpasok ng mga bata sa paaralan ay nagiging isang pakikipagsapalaran. Ngunit ngayon, napalitan na ang mga yapak sa putik ng mga ngiti ng ginhawa, matapos tuluyang maisemento ang kanilang daan — isang proyektong hatid ng Lokal na Pamahalaan ng Asingan sa pangunguna ni Mayor Carlos Lopez Jr.
Sa isang panayam, inalala ni Mayor Lopez Jr. ang mga unang taon ng hamon.
“One time, noong 2019, umuulan nang grabe. Ang taas ng baha, sobrang putik. Yung mga bata, gustong pumasok pero hindi sila makapasok,” ani ng alkalde. “Kaya nasabi ko sa kanila, basta papayag kayo na masemento ito, magpirmahan kayong lahat.”
Ang dating simpleng mungkahi ay naging konkretong hakbang nang magpasa ang mga residente ng Purok Inanama ng Right of Way, bilang patunay ng kanilang pahintulot at suporta sa proyekto. Sa koordinasyon ng Lokal na Pamahalaan ng Asingan, naisama ang proyekto sa opisyal na plano at pondo ng munisipyo — na nagbukas ng daan para sa aktwal na pagpapatupad nito.
“Ayan, 2019, 2020, 2021, 2023, 2024, 2025 — sa awa ng Diyos, napasemento na rin natin. At nakita n’yo naman, tuwang-tuwa yung mga tao na nasemento yung kanilang daanan,” dagdag pa ni Mayor Lopez Jr.
Mahigit 300 metrong sementadong kalsada — maiksi man sa paningin, ngunit sa puso ng mga taga–Purok Inanama, ito ay daan ng pagbabago. Ang bawat hakbang ngayon ay magaan; ang dating putikang tinatahak ng mga bata papuntang paaralan ay napalitan ng matibay na landas ng pag-asa.
Ngayon, tuwing umuulan, hindi na kailangang alalahanin ng mga taga–Inanama ang pagkakadulas o pagkaputik. Ang dating mabigat na paglalakad ay napalitan ng magaan na hakbang at mas ligtas na paglalakbay.
Bukas din si Mayor Lopez Jr. sa mga susunod pang kahilingan ng mamamayan hinggil sa katulad na proyekto, basta’t dumaan lamang sa tamang proseso.
“Kung may gusto pang magpa-semento, magpirma lang sila ng Right of Way para maging rehistradong daanan ng barangay. Pwede nating ilagay sa plano ng lokal na pamahalaan, at kapag may pondo, maisasagawa natin ito,” paliwanag ng alkalde.
Ang sementadong daan sa Purok Inanama ay hindi lamang patag na kalsada — ito ay daan ng pag-asa, pagkakaisa, at progreso. Sa tulong ng sama-samang pagkilos ng komunidad at liderato, muling pinatunayan ng Asingan na walang maliit na proyekto kapag ang layunin ay kaginhawaan ng bawat mamamayan.

 

Previous

Next

Comments are closed.

More
To the top