Official LGU Website of Asingan Pangasinan

Arya Asingan


News and Events

GROUND BREAKING NG KAUNA-UNAHANG SENIOR CITIZENS MEDICAL CENTER

Oct
13,
2025
Comments Off on GROUND BREAKING NG KAUNA-UNAHANG SENIOR CITIZENS MEDICAL CENTER
 
Sa isang panayam ng Asingan PIO, ibinahagi ni Mayor Carlos Lopez Jr. ang nalalapit na groundbreaking ceremony ng kauna-unahang Senior Citizens Medical Center sa bayan ng Asingan, na nakatakdang idaos sa Miyerkules, Oktubre 15, sa Barangay Macalong.
Ang proyekto ay isang malaking tulong mula kay Alex Tanwangco ng Tanwangco Group of Companies, na siyang pangunahing sponsor at donor ng nasabing pasilidad.
“Si sir Alex Tanwangco ng Tanwangco Group of Companies po ang major sponsor nito. Ang lupa ay pagmamay-ari ng munisipyo, habang ang mismong building ay donasyon nila. Ito ay 150 square-meter, bungalow-type building,” dagdag ng alkalde.
Nilinaw din ni Mayor Lopez Jr. na ang pasilidad ay hindi magiging inpatient facility, kundi magsisilbi bilang isang medical center para sa konsultasyon at diagnostic services lamang.
“Wala pong bed capacity. Check-up lang talaga siya — x-ray, ultrasound, at gamot. Hindi po ito tirahan ng pasyente,” aniya.
Ayon sa alkalde, inaasahang matatapos ang proyekto sa loob ng apat hanggang limang buwan, kaya target ng lokal na pamahalaan na ito ay ma-operate bago ang kapistahan ng Asingan sa 2026.
“Sabi ng contractor, mga four (4) to five (5) months ang construction. Kaya bago ang piyesta, ma-operate na po natin ito,” wika niya.
Ang operasyon ng Senior Citizens Medical Center ay mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 AM hanggang 5:00 PM, at pamumunuan ng mga retired nurses at senior citizens na may medical background bilang mga volunteer.
“Imamanduhan ito ng mga retired nurses at senior citizens natin na may medical background. Sila rin po ang magvo-volunteer doon, kasama ng mga doktor mula sa ating LGU,” paliwanag ng alkalde.
Dagdag pa ni Mayor Lopez Jr., ang proyektong ito ay bunga ng matagal nang pangarap ni Mr. Tanwangco na makatulong sa bayan ng Asingan.
“Matagal na pong pangarap ni Mr. Alex na makatulong sa ating bayan. Coincidence na nangailangan din tayo ng ganitong facility. Kaya nagpapasalamat tayo sa kanya at sa buong Tanwangco Group of Companies sa patuloy nilang pagtulong sa Asingan,” pagtatapos ni Mayor Lopez Jr.
Bago ito, ay nauna nang nagbigay si Tanwangco ng dalawang palapag na multi-purpose building para sa mga senior citizen noong 2021, bilang bahagi rin ng kanyang tulong sa komunidad.

 

Previous

Next

Comments are closed.

More
To the top