Umarangkada na ngayong araw ang Brigada Eskwela 2026 sa Angela Valdez Ramos National High School bilang paghahanda sa pagbubukas ng School Year 2026-2027.
Isa ang paaralan sa pinakamalaking eskwelahan sa bayan ng Asingan, na may humigit-kumulang 1,200 estudyante.
Sa unang araw ng Brigada Eskwela, isinagawa ang classroom declogging, kung saan nilinis, inayos, at inalis ang mga hindi na kailangang gamit sa mga silid-aralan upang maging handa ang mga ito sa pagbabalik-eskwela.
Ayon kay Jose Venenciano, Principal ng Angela Valdez Ramos National High School, layunin ng aktibidad na masiguro na pagdating ng pasukan sa Hunyo 8, ang mga mag-aaral ay papasok na handa at makapagtuon sa pag-aaral.
Kabilang din sa mga tinututukang ayusin ang ilang sirang gripo, pailikuran o CR, at ilang basag na salamin sa bintana.
Nanawagan naman si Venenciano sa mga alumni, magulang, stakeholders, at iba pang may mabubuting puso na makiisa at tumulong sa Brigada Eskwela 2026 para sa mas ligtas, maayos, at handang paaralan para sa mga estudyante.








