
Dumalo at nagbigay ng kanyang mensahe si Mayor Carlos Lopez Jr. sa isinagawang Orientation on R.A. 7610 (Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination & Children’s Rights) na inorganisa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Asingan.

Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga kalahok hinggil sa karapatan ng mga bata at sa mga batas na nagpoprotekta laban sa pang-aabuso, pagsasamantala, at diskriminasyon.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Lopez ang kahalagahan ng pagkakaisa ng pamahalaan, paaralan, at komunidad sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga kabataan.
Isa rin sa mga tampok ng programa ang lecture ni Judge Jonathan Abas, Presiding Judge ng 7th Municipal Circuit Trial Court (MCTC) ng Asingan-San Manuel, Pangasinan.
Tinalakay ni Judge Abas ang mahahalagang probisyon ng R.A. 7610, kabilang ang mga parusa laban sa pang-aabuso at pananakit ng mga bata, at ang mga karapatan ng kabataan sa ilalim ng batas.
Kabilang sa mga dumalo sa naturang orientation ang mga punong barangay, barangay-appointed personnel, daycare workers, at iba pang kinatawan ng mga sektor, na naglalayong mas mapalalim ang kanilang kaalaman sa tamang pangangalaga at proteksyon sa mga bata sa kani-kanilang komunidad.
Ang naturang orientation ay bahagi ng patuloy na programa ng MSWDO Asingan upang mapalakas ang adbokasiya para sa child protection at child rights awareness sa buong bayan.







