Isinagawa ngayong araw, Oktubre 15, ang Ground Breaking Ceremony para sa kauna-unahang Medical Center para sa mga Senior Citizens sa bayan ng Asingan — ang Alex F. Tanwangco Medical Center.
Layunin ng proyekto na magbigay ng libreng serbisyong medikal para sa mga nakatatanda.
Pinangunahan ito ng philanthropist na si Mr. Alex Tanwangco ng Tanwangco Group of Companies, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Asingan sa pangunguna ni Mayor Carlos Lopez Jr.
Ang lupang pagtatayuan ng pasilidad ay pagmamay-ari ng munisipyo, habang ang 150-square meter, bungalow-type building ay buong pusong donasyon ni Tanwangco.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Tanwangco ang inspirasyon sa likod ng kanyang proyekto:
“So sometimes, when you reach my age and you are more or less successful in life with whatever you have accomplished, you begin to think — what will be next?”
Ayon sa kanya, dumating siya sa punto ng buhay na mas pinili niyang tumulong sa kapwa kaysa magtamo ng mga materyal na bagay.
“All sorts of material things. Siguro, I was — I’m blessed — na natikman ko lahat ‘ba. And then, I began to wonder kung ano pa ang dapat kong gawin sa buhay at this stage. Hindi naman na tayo bata, pero bumabata tayo araw-araw,” aniya.
Inaasahang matatapos ang nasabing proyekto sa kalagitnaan ng susunod na taon, at mababasbasan sa Abril 2026.
Sagot ng kumpanya ni Tanwangco ang lahat ng kagamitan at gamot na kakailanganin ng medical center.
“We’ll have a doctor, probably a laboratory, medical technology, and at least we have a fighting chance. So our company will spend everything — lahat ng equipment, lahat ng gamot. Una sa seniors, and then siguro susunod natin, or kung ibaba natin, sa 50,” paliwanag niya.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kanyang pagmamahal sa bayang sinilangan at hangaring makatulong sa mga kababayan.
“My thinking is, it has to serve my fellow kababayan. So don’t worry, because your kababayan is very successful. Ito ang dapat paglagyan ko ng resources — itong health ng mga kababayan natin ngayon.”
“Complete with all equipment and medicines — dito tayo magpapagamot. Itong ating first line of health defense.
Samantala, ipinaabot ni Mayor Carlos Lopez Jr. ang taos-pusong pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa kabutihang ipinamalas ni Tanwangco.
“Ito ay isang dream come true. Ito ang establisimyento kung saan lahat ng senior citizens ay mabibigyan ng pagkakataon na malaman ang kanilang mga karamdaman — para maagapan po natin,” ani Mayor Lopez Jr.
Dagdag pa niya, nakahanda rin ang LGU na magbigay ng suporta at manpower para sa operasyon ng pasilidad.
“In partnership with the local government, magpo-provide din po kami ng assistance at personnel. Ang doktor po namin sa RHU ay ipapahiram po namin dito para magamit nang maayos ang ating AFT Medical Center.”
Sa pagtatapos ng programa, nagpasalamat si Mayor Lopez sa malasakit at pagmamahal ni Tanwangco para sa bayan.
“Muli, Sir Alex, maraming-maraming salamat po. In behalf of the local government of Asingan, ang aming taus-pusong pasasalamat sa inyo at sa inyong korporasyon sa walang humpay ninyong pagbibigay ng tulong at pagmamahal para sa aming bayang Asingan.”
Kabilang sa mga dumalo sa okasyon ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga Punong Barangay, Department Heads ng Munisipyo, Civil Society Organizations, PNP Asingan, BFP Asingan, at iba pa.
Kasabay ng groundbreaking ceremony ay ang libreng blood pressure monitoring at random blood sugar testing mula sa TOP Training and Educational Center Inc. para sa mga dumalo, habang sina Mr. Alex Tanwangco at Mrs. Sheryl Lopez, maybahay ni Mayor Lopez, ang gumastos para sa libreng pagkain ng mga bisita.










